Ano ang mas pinapanood ninyo?

Friday, November 9, 2012

JUDY ANN SANTOS at JODI STA MARIA Mag SASANIB PWERSA!!!!

LALONG magiging interesting ang pagtutok ng mga televiewer tuwing umaga sa ABS-CBN 2. Bakit ‘ikaw n’yo? Dahil lalong magiging produktibo at masaya ang mga umaga ng mga tumatangkilik sa mga show ng Kapamilya Network.

Bukod kasi sa nakaugaliang pagtutok sa Be Careful With My Heart na nakapagpapasaya sa mga umaga natin, madaragdagan pa ito ng isang show na lalong makare-relate ang mga inang tulad tulad ko gayundin ang mahihilig sa pagluluto.

Ito’y dahil papasok na nga sa morning block ang cooking reality show ni Judy Ann Santos na MasterChef: Pinoy Edition. Kaya mauusog ang timeslot ng no.1 daytime teleserye ng bansa na Be Careful With My Heart. Ito’y magsisimula sa Lunes (Nobyembre 12), dahil eere na ang MasterChef: Pinoy Edition sa ganap na 10:30 a.m., samantalang ang kilig-serye nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap ay mapapanood na tuwing 11:15 a.m., bago ang It’s Showtime.

Samantala, base sa datos ng Kantar Media para sa buong buwan ng Oktubre, no.1 daytime TV program pa rin sa buong Pilipinas ang Be Careful With My Heart. Sa taglay nitong 23.3% average national TV rating, naungusan pa ng love story nina Maya (Jodi) at Sir Chief (Richard) ang primetime teleseryes ng GMA na kahit isa ay hindi nakapasok sa listahan ng top 15 programs nationwide.

Sa kabilang banda, magsisimula na nga ang sagupaan sa kusina at ang pagharap sa mga totoong hamon ng buhay sa pinakaunang kusina-serye ng ABS-CBN na MasterChef Pinoy Edition. Matapos bumida ang mga batang kusinero sa Junior MasterChef Pinoy Edition, bibigyan ng pagkakataon ng bagong edisyon ng cooking reality show ang mga ordinaryong taong magkakaiba ang edad, pinanggalingan, at estado sa buhay na magpakitang gilas sa pagluluto at pagtagumpayan ang sari-saring pagsubok upang maabot ang pangarap.

Makakasama pa rin ni Judy Anna ang chef-judges na sina Fernando “Ferns” Aracama, Rolando “Lau” Laudico, at JP “Jayps” Anglo. Sila ang huhusga sa mga putaheng ilalaban ng mga amateur chef para maging kauna-unahang Pinoy MasterChef at magwagi ng P1-M.

Ayon kay Juday, magiging kapana-panabik at madrama ang pagsalang ng contestants dahil mas mahigpit at mas maaanghang ang kanilang komento. “Mas magiging mahirap ang challenges. Mas magiging prangka ang lahat. For you to become a good chef, kailangan mapagdaanan mo ang lahat ng paghihirap,” paliwanag ng batang Superstar.

Napanood na naming ang teaser ng cooking show na ito at talagang mapapangiti at mapapaiyak ang mga manonood sa kakaibang version ng MasterChef dahil itatampok din dito ang kanilang pakikipagsapalaran, mga hangarin para sa pamilya, at ang layuning patunayan ang sarili.

“Mas makare-relate ang mga tao dahil hindi lang talent nila sa pagluluto ang kinukuha namin, pati ‘yung istorya talaga ng buhay nila,” ani Juday.

Ang maganda sa show na ito, higit sa pagiging cooking show, ipatitikim din ng programa ang elemento ng ‘reality’ dahil mamumuhay ang lahat ng finalist sa iisang bahay. Dito lalo silang magkakakilanlan, makapagbubuo ng mga samahan at gusot, at mararanasan ang tagumpay at pagkatalo kasama ang isa’t isa.

Bukod sa pang-araw-araw na paghahain ng drama, handog din ng kusina-serye ang iba pang kaalamang magagamit ng mga manonood sa kanilang pang-araw-araw na buhay gaya ng Pinoy recipes na madaling ihanda, cooking demo, at sari-saring tips sa pangangalaga ng tahanan at kalusugan.

Kaya’t tutok na simula Lunes dahil magkakapit-bisig sina Jodi at Juday sa paghahatid ng magagandang panoorin na tiyak na kalulugdan ng lahat.




c/o hataw
JoKer DeTor
Showbiz Top i-News

 Please follow us on twitter for more updates https://twitter.com/ShobizTopiNews (@ShobizTopiNews) and dont forget to put comments on each article. So we will know the stories you want to read! Your thoughts are important to us.

No comments: