Ano ang mas pinapanood ninyo?

Friday, November 14, 2008

Willie R., halos maubusan na ng ‘energy!’

Willie R., halos maubusan na ng ‘energy!’
Written by Cristy Fermin November 14, 2008


SARADO NA ANG kuwento ng nakawan sa bahay ni Willie Revillame. Nasa poder pa rin niya si Marissa, ang isa lang niyang kasama sa bahay na si Edna ang nagbakasyon muna, naapektuhan kasi ito ng sunod-sunod na imbestigasyong pinagdaanan nu’ng kasagsagan ng isyu.

“Madaling intindihin ang situation niya, para siyang ninenerbiyos na parang natetensiyon, ang dami-dami kasing pulis na nag-imbestiga sa kanya noon,” kuwento ni Willie.
Nu’ng isang araw, hindi siya ang nag-report sa Wowowee, naubusan siya ng boses, pagkatapos kasi ng live nila, meron pa silang taping bilang paghahanda sa nalalapit nilang show sa San Diego at Texas.

“Mahirap mag-show nang dalawa hanggang tatlong oras na ang energy mo, kailangang mataas talaga. Hindi ka puwedeng walang kalatoy-latoy, ikaw lang ang may hawak ng microphone, kaya pagkatapos ng show, para na akong nilapastangan,” pakomedyang pahayag ng aktor-TV host.
May madalas na tanong sa amin ang ating mga kababayan, ano raw ba ang ginagawa ni Willie sa kanyang pera?

Balita nga kasing limang milyong piso ang suweldo niya buwan-buwan sa ABS-CBN para sa Wowowee.

Bukod pa ‘yun sa mga tinatanggap niyang endorsement, sa mga shows niya sa iba’t ibang bansa, si Willie ang itinuturing na Central Bank ngayon ng kanyang network dahil punumpuno ng commercials ang kanyang noontime show.

Alam naman ng marami na nagpupundar siya ng mga bahay, apat na ang nabibili niya, meron siyang siyam na luxury cars at isang yate.

Pero kapag kausap-kaharap kasi namin si Willie, hindi namin nakikita sa kanyang hitsura ang sumusuweldo nang limang milyon kada buwan, nakatsinelas lang siya na de-sakbat, shorts at t-shirt na may kalumaan pa nga.

Meron siyang mga damit na kahit lumang-luma na, gustong-gusto pa rin niyang isinusuot, bibitiwan lang siguro niya ang mga damit na ‘yun kapag kandidato na para gawing basahan, mas luma ang kanyang damit ay mas kumportable siya.

Nu’ng minsang nagkuwentuhan kami nang solohan, sinabi ni Willie, “Ako nga, hindi ko naman inasahang maaabot ko ang ganito. Sino lang ba naman ako? Nakatiyempo lang ako.“Itong lahat ng meron ako ngayon, palamuti lang ng buhay ito. Anytime, puwedeng nandiyan, anytime rin, puwedeng mawala. Sanay naman ako sa electric fan na maingay, hindi naman ako lumaki sa aircon.

“Nagpapasalamat ako dahil meron ako ngayon ng mga materyal na bagay na ito, pero puwede rin akong mabuhay nang wala ang mga ito. Ang sa akin lang, basta marami akong natutulungan, marami akong napapasaya, okey na ako ru’n,” kuwento ni Willie.

SA UNANG PAGSALANG ni Pokwang sa Wowowee kahapon pagdating na pagdating niya mula sa Europe para sa show nila nina Piolo Pascual at Sam Milby, para na naman siyang regalo dahil sa dami ng ribbon na nakapalamuti sa buong katawan niya.

“Alam mo naman ako, gusto kong special palagi ang look ko sa Wowowee, utang ko sa televiewers ang ganitong gayak, dahil hindi naman nila kami iniiwanan sa panonood,” pakomendyang sabi ni Pokwang.

Nadagdagan na naman ang kanyang ipon, mabibiyayaan na naman ang kanyang anak, ina at mga kapatid. Butas ang kanyang palad sa pagtulong, hindi na kinakatok ang puso at bulsa ni Pokwang, matalas siyang makiramdam.

“Ang mga kapatid ko, hindi na kailangan pang magparamdam sa akin. Ramdam ko ang mga pangangailangan nila. Kung sino ang meron, ‘yun ang dapat tumulong, ganyan lang naman talaga ang buhay,” sabi niya.

Riot na naman siya sa Europe, napaligaya na naman niya ang ating mga kababayan, nadagdagan na naman ang popularidad ng komedyanang mapuso.


JoKer DeTor
Showbiz Top i-News

Please send your comments, suggestions, and reaction to our email address...

sti_n23@yahoo.com

Please dont forget to put a comment on each article. Thanks!

Your thoughts are important to us. So be it!

No comments: