Ano ang mas pinapanood ninyo?

Wednesday, November 12, 2008

Aljur Abrenica on Richard Gutierrez: “Hindi po totoo ang lahat ng sinabi niya.”

Aljur Abrenica on Richard Gutierrez: “Hindi po totoo ang lahat ng sinabi niya.”


“Hindi po totoo ang lahat ng sinabi niya.”
Ito ang pahayag ni Aljur Abrenica hinggil sa official statement na ipinalabas ni Richard Gutierrez kaugnay ng napabalitang kumprontasyon nila sa isang high-end bar noong madaling-araw ng October 18.
Lagpas dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang lumabas ang balita tungkol sa kumprontasyon dumano nina Richard at Aljur sa Fiamma Bar, Jupiter St., Makati City. Nagbigay na ng kanyang panig si Richard sa pamamagitan ng isang official statement, na unang lumabas dito sa PEP noong October 27. Pinabulaanan ni Richard na may engkuwentrong naganap sa kanila ni Aljur.
ALJUR SPEAKS BUT HANGS BACK. Bagamat nakakuha ang PEP ng ilang impormasyon mula sa ilang sources tungkol sa insidente, nanatiling tahimik si Aljur. Hindi siya nagpaunlak ng interview sa kahit na sino mang gustong kunin ang kanyang panig.
Pero sa kauna-unahang pagkakataon ay nakausap ng entertainment press, kabilang na ang PEP, si Aljur sa presscon ng kinabibilangan niyang fantaserye sa GMA-7, ang Luna Mystika. Ginanap ang presscon kagabi, November 11, sa Studio 5 (dating Studio 3) ng GMA Network Center.
Naging maingat si Aljur sa pagbibitiw ng mga salita. Hangga’t maaari sana ay ayaw na niyang pag-usapan ang kung anumang nangyari sa kanila ni Richard, pero nagbigay pa rin siya ng ilang pahayag.
“Ayoko na po munang magsalita tungkol sa mga nangyari. Gusto ko po muna ngayon, e, mag-concentrate sa pagtatrabaho,” unang sagot ni Aljur nang subukang alamin ng press sa kanya kung ano nga ba ang totoong nangyari noong October 18 sa Fiamma Bar.
Pero nang tanungin kung nagkaayos na ba sila ni Richard, ito ang naging sagot ni Aljur: “Ewan ko po. Kasi sa akin, hindi po siya okey, e.”
May pinagsabihan ba siya ng tungkol sa nangyari sa kanila ni Richard?
“Actually, wala pa akong pinagsasabihan, lumabas na,” sabi ni Aljur. “Wala naman akong pinagsabihan na kahit sino man. Wala naman pong nanggaling sa akin na binatukan ako or something. Nung narinig ko na, ‘tsaka na ako nagsalita kung ano ang talagang nangyari sa mga kaibigan ko.”
Pinagbawalan ba siya ng GMA-7 o ng Artist Center na magsalita tungkol sa isyu?
“Hindi naman po, pero ayoko po talagang pag-usapan,” maingat na sabi ni Aljur.
Sa hindi niya pagsasalita, ibig bang sabihin nito ay may itinatago siya o di kaya ay may kinatatakutan siya?
“Ay, hindi po talaga ako natatakot!” tanggi ni Aljur. “Basta wala po akong kinakatakutan. Malinis ang konsensiya ko. Ayoko lang pong mag-comment. Anong rason ko para matakot?”
ON RICHARD’S OFFICIAL STATEMENT. Ano naman ang reaksiyon ni Aljur sa official statement ni Richard? Sinabi kasi ng top leading man ng GMA-7 na bigla na lang umupo sa kanilang table si Aljur kahit hindi naman nila ito iniimbitahan. Pinasaringan din ni Richard ang kakulangan diumano ng “social graces” ni Aljur.
“Basta’t lahat ng mga sinabi niya, wala pong katotohanan,” mahinahong sabi ni Aljur. “Siguro sa mga nakabasa talaga [ng statement ni Richard], kayo na po bahalang manghusga. Basahin n’yo lang po ng maigi, maiintindihan n’yo po. Hindi po totoo lahat ng sinabi niya.”
Dagdag niya, “Basta’t ayoko na pong mag-comment. Ayoko na pong ikuwento yung totoong nangyari. ‘Tsaka na lang po.”
Pero invited ba siya talaga noon sa Fiamma Bar?
“Actually, sa Fiamma bar…it’s a public place. Walang party talaga,” saad ni Aljur.
Marami bang nakakita ng insidente?
“Ayoko po munang magsalita,” iwas ng batang aktor.
Pero sino ang nagsama sa kanya sa Fiamma Bar?
“Si Marco Alcaraz po,” sagot ni Aljur. (Si Marco ay naging co-star ni Aljur sa nagtapos nang fantaserye ng GMA-7 na Dyesebel.)
Nagkita na ba sila ni Richard pagkatapos ng insidente?
“Hindi pa po kami nagkikita,” sabi ni Aljur. “Hindi naman po talaga maiiwasan kasi Kapuso din siya. ‘Pag nagkita po kami ni Mr. Richard Gutierrez, natural lang po, nakangiti, naka-smile po ako. Babatiin ko po siya. Pero depende na lang po sa kanya kung ano ang reaksiyon niya.”
Siya ba ang magpapakumbaba kung saka-sakali?
“Actually, ganun akong tao, e. Hindi po ako nakikipag-away. Umiiwas po talaga ako sa gulo. Gusto ko lang po talaga magtrabaho lang nang maayos,” pahayag niya.
Paano kung siya ang na-provoke?
“Pag prinovoke po, iiwas pa rin po ako,” aniya. “Pero kung sobra na… Depende po kasi, e. Pero sa akin kasi, kahit batuhin ako ng bato, binabato ko ng tinapay. Lalo lang lalaki ang gulo, e, pag pinatulan mo.”
May sama ba siya ng loob kay Richard?
“Hindi ko po masabi, pero hindi po talaga ako okay,” makahulugan niyang sagot.
Nagbago ba ang pagtingin niya kay Richard pagkatapos ng nangyari sa kanila?
“Ayoko po munang mag-comment,” iwas niya ulit.
Ano naman ang naging reaksiyon ng mga magulang ni Aljur nang malaman nila ang insidente?
“Siyempre, unang-una, nagalit. Nagalit po talaga, pero inintindi na lang po nila,” saad ni Aljur.
May gagawin ba silang aksiyon tungkol sa nangyari?
“Depende po, kung kinakailangan. Pero mapag-intindi po ang parents ko,” aniya.
JEWEL MISCHE. Dawit din sa isyu sa pagitan nina Aljur at Richard si Jewel Mische, na sinasabing dahilan ng kumprontasyong ng dalawang male Kapuso stars. Nagselos daw kasi si Richard dahil si Aljur ang madalas kasama ni Jewel sa inauguration ng bagong GMA Network Studios noong October 17, o ilang oras bago naganap ang sinasabing kumprontasyon nina Aljur at Richard.
Tinanong ng PEP si Aljur kung may namamagitan ba sa kanila ni Jewel.
“Ang masasabi ko lang po, e, wala pong namamagitan sa amin ni Ms. Jewel Mische. Kasamahan ko po ‘yan sa StarStruck,” sagot ni Aljur.
Magka-batch sina Aljur at Jewel sa StarStruck 4, kung saan pareho silang nanalo—si Aljur bilang Ultimate Hunk at si Jewel naman bilang Ultimate Sweetheart.
Sa palagay ba ni Aljur ay nagselos sa kanya si Richard dahil kay Jewel?
“Hindi ko po alam. Ayoko po munang mag-comment,” pag-iwas muli ni Aljur.
“No comment” din ang isinagot ni Aljur sa mga sumunod na tanong tungkol sa nababalitang ugnayan nina Jewel at Richard.
Dahil hindi pa nagbibigay ng detalyadong pahayag si Aljur, ano ang nais niyang iparating sa mga tao?
“Unang-una, sa mga tumulong sa akin, sa mga nagde-defend sa akin, maraming-maraming salamat po. Sa nakakakilala po talaga sa akin, sa nagtitiwala sa akin, pasensiya na po kung hindi pa po ako makakagawa ng statement. Pero kung kinakailangan po, gagawa po ako. Kasi ako po, hangga’t makakaiwas ako sa gulo, iiwas at iiwas po ako. Hindi po ako ganung klase ng tao na nakikipag-away. Ang gusto ko lang po talaga, e, magtrabaho nang maayos,” pahayag ni Aljur.ERWIN SANTIAGOPhilippine Entertainment Portal



JoKer DeTor
Showbiz Top i-News

Please send your comments, suggestions, and reaction to our email address...

sti_n23@yahoo.com

Please dont forget to put a comment on each article. Thanks!

Your thoughts are important to us. So be it!

No comments: