Ano ang mas pinapanood ninyo?

Wednesday, September 3, 2008

Rosanna Roces gives a revealing interview on "Juicy"

Rosanna Roces gives a revealing interview on "Juicy"

Rosanna Roces gives a revealing interview on "Juicy"
Wala pa ring kupas ang controversial actress na si Rosanna Roces. Muli na naman siyang gagawa ng ingay dahil sa mga pagsisiwalat at rebelasyon niya tungkol sa kanyang buhay ngayon, na mas pinatindi pa ng kanyang mga maaanghang at maiintrigang pahayag ukol sa mga isyu at mga taong nauugnay sa kanya.

Sa interview sa kanya kahapon, September 3, ng showbiz talk show ng TV5 na Juicy, hosted by Alex Gonzaga, mukhang in fighting mood na naman si Osang sa kanyang mga pasabog.

Personal na nasaksihan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang interview na ito kay Osang, dahil naging co-host ni Alex ang writer na ito during the interview.

Narito ang mga naging pahayag ni Osang sa mga tanong namin ni Alex:

JUICY: Kumusta na ang isang Rosanna Roces pagkatapos ng napakaraming intrigang ipinukol sa kanya?

OSANG: "Pagkatapos noon, mas lalong gumaling, at mas lalong naging inspired. Actually, pagka kasi inintriga ako ng hindi maganda, mas nagpapasalamat ako sa kanila kasi nagagamit ko yun sa pag-acting, lalo na kapag mabibigat ang mga eksena."

JUICY: Worth it ba ang mga naranasan mo sa showbiz? Ito pa rin ba ang pipiliin mo?

OSANG: "Palagay ko hindi. Kasi kung ako lang, kaya ko lahat, e. Pero ang kawawa kasi yung mga anak ko, e. Pati yung mga lalaking nauugnay sa akin, nawawalan sila ng identity. So, nagiging anak lang sila ni Rosanna, ganun. So ‘pag may kontrobersiyang sangkot ako, mas masakit sa kanila, although hindi nila ipinapakita, pero alam ko."

JUICY: Kumusta naman po ang inyong pagiging lola? Kumusta naman po ang inyong mga apo? Kumusta rin ang mga anak n'yo?

OSANG: "Okay naman lahat. Walang gusot. Tahimik ang buhay ko ngayon. Siguro dahil na rin sa ginawa kong pananahimik, kasi ang hirap din naman kasi na bawat galaw mo, alam ng publiko. Yun ngang hindi nila alam, nalalagyan pa ng ibang kahulugan. Natututo tuloy silang mag-imbento, which is totally wrong.

"Mainam din, kasi yung privacy ko na nawala sa akin naibabalik ko. At mas nae-enjoy ko ang buhay ngayon. Pati sa bagong apo ko. Kasi yung naranasan ko sa unang apo, magulo, e. Pero kahit na naging magulo yun, alam ko, ‘pag binalikan niya yung ngayon, wala siyang masasabi sa lola niya. Ipinagtanggol ko talaga siya."

JUICY: Kumusta naman ang inyong relationship with your daughter Grace and son Onyok?

OSANG: "Mas sweet ngayon. At saka may mga anak na sila, kaya alam na nila na kapag wala ako dati sa tabi nila, akala nila puro pera lang. Puro laruan lang ang ibinibigay mo, binabayaran mo yung oras, pero wala ka naman. Ngayon, alam na nila na kaya ka pala wala, e, kasi nagtatrabaho ka para sa kanila.

"Mula noong isilang sila hanggang ngayon, ako yung nandiyan para sa kanila. Although ipinakilala ko na sila sa kani-kanilang ama. Pero hindi rin naging maganda, kasi noong makilala nila, parang wala rin palang silbi. Pero siyempre kailangang makilala rin nila."

JUICY: What makes Osang cry?

OSANG: "Marami. Iyakin ako talaga. Pero siyempre, hindi mo yun pinapahalata lalo na sa mga bata. Lalo ‘pag ang involved family. Yun nga yung hiwalay ako. Pero alam mo, hindi ko alam kung paano ko yun kinaya. Yun nga noong magpa-Pasko yun, alam mo yung pinakain kong spaghetti sa kanila, nagkaroon ng sabaw, e, sinamahan pa ng luha ko!

"Gabi-gabi yun, ang daming nights na wala ka namang kasama. Noong ngang gusto kong lumuha, ayaw na. Pero masarap din kasi sa acting, nagagamit mo yun. Natutunan ko yun. Hindi mo na kailangang mag-isip, kusa na lang papatak."

JUICY: Ano naman ang happiness para kay Osang?

OSANG: "Hay naku, little things, sobrang babaw! Kasi yung personality ko mismo, jolly ako, e. Ayoko ng malungkot. Kaya kahit katiting na ano, natutuwa ako. Or makita kong masaya ang mga taong mahal ko, okey na sa akin yun."

(Biniro ni Alex si Osang kung sa mga jokes ba ay hindi siya natatawa?)

OSANG: "Huwag na, hindi mo kakayanin ang mga jokes ko!" (Pagkatapos ay tumawa nang malakas ni Osang.)

JUICY: Bumabalik na nga raw ba ang pasaway na Osang kaya raw hindi nagtagal ang project niya sa kabilang istasyon, ang ABS-CBN? (Huling napanood si Osang sa Book 2 ng Maging Sino Ka Man, pero sa kalagitnaan ng naturang primetime series ay biglang nawala ang character niya.)

OSANG: "Marami kasing factor na bumubuo rito na manipulated ng ibang tao para palabasin sa harap ng masa, which are being hypnotized by the media, na eto yung totoo, which is hindi. Marami silang mali na ibinibintang sa isang tao para palabasing malinis sila sa management, sa taas. Marami ring magkakasabwat na pilit kang gagawan ng isyu para akalain ng tao ikaw yung dahilan kung bakit bumagsak ang isang palabas.

"Noong ginawa ko naman ang Natutulog Ba Ang Diyos?, wala namang naging problema. At nakita n'yo naman ang buong puso ko, buong kaluluwa ko, nandun sa ginagawa ko. Kung bakit nawala yung director dun, hindi nila masagot. At kung bakit iniwan ng mga taong talagang may hawak noon, hindi nila masagot. Bakit nagkagulo-gulo? At kung naging pasaway ako, e, bakit ako sumusuweldo habang wala ako dun? So, ibig sabihin, legalidad, may mali silang ginagawa.

"Nilaban ko, e, ‘tapos nung mag-e-ending na, they were begging for me to go back. Sinagot ko talaga, ‘Who would want to be in a dying soap opera? Sayang lang ang akting ko, pinaglalaruan n'yo ako.' At tanungin n'yo ako sa kahit sinong cast doon, maging totoo sa mga sinasabi nila. So, mina-manipulate nila ang masa para pagtakpan yung mga katarantaduhan nila. Sabi ko nga, wala akong dapat i-explain. Wala akong atraso kahit kanino, sila ang may atraso sa akin. At hindi ko sila kawalan, ako ang kawalan nila!"

JUICY: Kung halimbawang kausapin ka ng management, ipatawag ka doon, para magkaayos-ayos na, are you willing to do that?

OSANG: "Alam mo ang dami nang... May na-suggest nga sa akin, bakit daw hindi ako pumunta sa babaeng executive para magpaliwanag ako. Bakit naman ako magpapaliwanag sa alam kong kasama sa conspiracy para siraan ako? E, wala nga akong atraso, e, kayo nga ang may atraso sa akin. Baka lumabas niyan, parang nagmamakaawa pa ako sa project, di ba? Bakit? Kayo nga ang dapat mag-explain sa akin kung bakit n'yo ako ginanun. Hindi ako dapat mag-explain sa inyo.

"So, hindi naman siguro ako magugutom, di ba, kung hindi ako lalapit sa kanila? Which, ginawa ko na yun matagal na panahon na, apat na taon. Nagpapasalamat naman ako sa mga taong hindi naniwala, katulad ni Piolo [Pascual]."

JUICY: Nabalitaan po namin dun sa scene n'yo na kasama si Piolo Pascual, dun sa Manila, ay nabugbog n'yo raw si Piolo at nasaktan daw si Piolo?

OSANG: "Gusto ko kasi yung akting na hindi niya ako makakalimutan. Hindi kasi ako namemeke ng sakitan, sampalan. Ano ako, e, kumbaga, rebelde ako sa role. So ‘pag me sinabi yung director, although nagrerebelde ako, hindi yung hindi ko ginagawa yung sinasabi niya. Ang pagrerebelde ko, konting sakit sa akin, mas maraming sakit na nangyayari. Medyo napapaganda, kaya lang masasaktan ka talaga.

"Pero yun naman kasi ang essence ng paggawa ng pelikula, e, yung katotohanan lang, di ba? Yung galing dito [sabay turo sa puso]. Siyempre ang iisipin mo, totoong anak mo si Piolo. Pero yung sakit na ginawa ko sa kanya, nananakit ka, pero bilang ina nasasaktan ka rin."

JUICY: Kumusta na ngayon ang love life mo? Juicing-juicy ba? Kumusta na ang mga lalake o babae raw sa buhay ni Selya (her character's name in one of her movies)?

OSANG: "Yun nga ang kaklaruhin natin. Hindi ho babae, at never akong nagkarelasyon ng babae. Hindi naman ako against sa ano, sa homosexuality o ano. Pero hindi talaga yun ang gusto ko. Lalaki talaga ang dapat para sa babae. Usong-uso na ngayon yung kapwa ko mahal ko. Ayoko talaga. Unang-una, may mga anak ako. Hindi talaga.

"Siguro kaya binibira ako ng mga kung anik-anik dyan, dahil hindi ko sila pinapatulan. Diyusko naman, nakilala naman ako na kung ano yung role ko, ang mga lalaki sa buhay, di ba? Kung kelan naman ako tumanda saka naman ako papatol. Hindi naman ako katulad ng iba dyan, di ba? Lalaki pa rin ang gusto ko. At saka ayoko ng pareho kami ng kinakain."

CONTROVERSIAL BOWL. Pagkatapos nito ay naglabas ng bowl si Alex, na naglalaman ng mga papel na may mga pangalan ng mga taong nauugnay kay Osang. Kailangan niyang magbigay ng message o wish sa mapipili niyang pangalan.

Narito ang mga pangalang nabunot niya pati na ang messages niya na may nakatutuwa, pumupuri, pero mas maraming kontrobersyal na mga pahayag:

VICKI BELO—"Ano bang wish ko dito? Hindi, actually, nabasa ko yung sa YES! Magazine, nadaanan ko lang nung taping ko with Piolo. Nung makita ko na grateful naman pala siya dahil sa akin, ganun-ganun... Kasi ayokong sa bibig ko nanggagaling, e. Kahit paano, di ba, natuwa ako sa kanya? Na-cute-an ako kahit hindi siya cute!"

CRISTY FERMIN—"Puwede bang gayahin ko yung take it, take it, na ibang pangalan yung sasabihin? Ang wish ko lang sa kanya, sana hindi niya pinaniwalaan yung mga taong nagpi-feed sa kanya ng mga maling balita, kasi mas close ako. Itinuring ko siyang halos pangalawang ina, ninang ko pa sa kasal. Parang sana tinanong niya muna ako kahit konti or naging sensitive man lang siya kahit konti, bago siya magsulat ng... Sabi ko nga, okay lang yung nakakasakit sa akin. Pero ang mga bata nasasaktan.

"At sana medyo kinaklaro, o kung hindi man klaro masyado sa kanya, sana tingnan din naman niya yung nakalipas niya, na nagkaganun din naman siya. Pero, hindi ba, kumbaga pareho lang ang dinaanan namin? Pero huwag sana niyang gamitin yung estado niya para makapanakit ng kapwa. Kasi iisang mundo lang naman ang ginagalawan sa showbiz, e.

"Lahat tayo kailangang magpakumbaba, minsan yumuko ka. Kasi makakasalubong at makakasalubong mo yung taong binabanatan mo. At paano kung ikaw ang hindi makatingin nang diretso, di ba? Oy, natutunan ko bilang host ha, dati banat din ako nang banat. Pero siyempre, nakakahalubilo mo rin naman yung mga tao, ikaw yung mahihiya, kahit na sinulat lang naman ng writer yung sinasabi mo, di ba? Nakakaano din, lumiliit ang mundo mo. Kaya lagi mong sasabihin, writer ang nagsusulat noon ."

DINA BONNEVIE—(Gusto sanang palitan ni Osang ang papel na nabunot, pero sabi ng staff ng Juicy, hindi puwede.) "O sige, bawal daw. Hindi, kasi wala na namang intriga, e. Dina Bonnevie, masarap siyang katrabaho. Na-surprise ako dahil hindi naman pala siya ganun kalukring gaya ng sinasabi nila, or mataray, or maldita. Ang sabi ko nga sa kanya, pagtapos nitong ginagawa natin, mapapamahal ako sa iyo at mamahalin mo ako. Kasi malalaman niyang hindi rin totoo yung mga naririnig niya. Pero ang sarap niyang kabalitaktakan sa akting. Isa siya sa mga tunay na artista."

LOLIT SOLIS—"Ano ba yan? Hindi mo pa rin maaalis na binabanggit pa rin nila ako, kesyo may ilusyon daw akong bumalik dun [GMA-7], whatever. Or para bang, ano pa ba yung gusto n''yong mangyari sa akin? Gusto nyo bang sairin na ang dugo ko? Parang pinatumba n'yo na nga ako. Matapos tumumba, tinadyak-tadyakan n'yo ako. Ano pa ang gusto n'yo? Parang, kailan sila titigil? Kulang na lang sabihin n'yo nagtitinda na ako ng taho. Hinihintay talaga nilang mangyari yun, o nagma-manicure na lang ako, ganito, ganito.

"Hindi n'yo naman alam ang buhay ko. At buti hindi ko pinaalam sa inyo dahil para bang...paano naman yung ibang tao na hindi makakalaban sa mga ginagawa n'yo, kawawa naman. Natuto akong mang-deadma na lang at pagtawanan na lang sila. Dahil, lalo ‘pag mali ang isinusulat, saka natatawa ako, ‘tapos nakikita ng tao mali yung isinusulat nila.

"Kung meron mang magsasalita ng ganito, ganito, siguro nandiyan si Kuya Boy [Abunda] para patotohanan yun. Pero kita mo, wala kang maririnig, di ba? E, kailangan nila yun. I don't know kung paano napapakain nila yung pamilya nila sa pamamagitan ng kawalanghiyaan. Malaking tanong sa akin ‘yan, e, bakit ganito? Bakit parang tinitira-tira nila ako, e, halos lugmok na ako?

"Ang sagot ng kaibigan kong Rei Nicandro, ‘Kaya ka nga nila tinitira kasi hindi sila makapaniwalang kaya mong malugmok. Na hindi ka nila malugmok-lugmok. Yun yun.' At least, nakakuha ako ng sagot. Kung ako lang sa sarili ko, mahirap isipin kung paano rin ako nakakabangon sa bawat dagok. Sometimes, it's not how you fall, but it's how you get up."

Sa mga maintrigang pahayag ni Osang, mukhang pagsisimulan na naman ito ng panibagong mainit na balitaktakan sa showbiz. Abangan na lang natin, kung mas lalaki pa ang apoy na nilikha ng nagbabagang interview na ito kay Osang.



Source: PEP





JoKer DeTor
Showbiz Top i-News

Please send your comments, suggestions, and reaction to our email address...

sti_n23@yahoo.com

Please dont forget to put a comment on each article. Thanks!

Your thoughts are important to us. So be it!

No comments: