Ano ang mas pinapanood ninyo?

Monday, August 11, 2008

Ruffa Gutierrez maraming alam na lihim


Ruffa Gutierrez maraming alam na lihim

Ruffa Gutierrez

Bakit nga ba mahal namin ang magkakapatid na Gutierrez sa kabila ng problemang legal namin ng kanilang mga magulang? Bakit nga ba kapag may hinaharap na laban si Ruffa Gutierrez ay nandito lang kami para dumepensa sa kanya?

Bakit nga ba mahal namin si Richard Gutierrez, bakit ba namin ipinagtatanggol ang guwapong binata, nasa harap o likod man kami ng mga camera?

May isang pangyayaring hinding-hindi namin malilimutan. Kasagsagan yun ng kasong libelong isinampa laban sa amin nina Tito Eddie at Tita Annabelle, yun ang naging paksa kahit saan, nahati sa dalawang paksiyon ang lokal na aliwan.

Aksidente kaming nagkita ni Richard Gutierrez sa Cibo, isang restaurant sa 9501, meron siyang mga kasamang teenagers. Pagpasok namin sa restaurant ay may isang matangkad at guwapong lalaking bume­so sa amin, nang mag-angat kami ng tingin ay nakita namin si Richard, nakangiti siya at nangungumusta.

Ilang segundo kaming hindi nakapagsalita, nauna­han ng pagkagulat ang aming reaksiyon, minarkahan namin ang pagkakataong yun.

Heto ang isang binata na mulat naman sa katotohanang may pinagtatalunan kaming kaso sa korte ng kanyang mga magulang, pero marespeto pa rin, kaninong damdamin ang hindi mababagbag sa ganun?

Isang patunay lang yun na hindi sinasabihan-tinu­turuan nina Tito Eddie at Tita Annabelle ang kanilang mga anak na huwag babati-lalapit sa amin, isang patotoo yun na hindi rin idinadamay ng mag-asawa sa aming kaso ang kanilang mga anak, kaya bakit namin pepersonalin ang mga bata?

At kahit sa malayuan ay nakikita namin ang pagiging marespeto ni Richard sa lahat. Sa kanyang mga kapwa artista, sa kanyang mga katrabaho, nagkakaisa ang lahat sa pagpuri at pagsasabing nakatapak sa lupa ang mga paa ng sikat at guwapong batang aktor.

* * *

Kumpara kay Richard ay mas mahaba ang mga panahong ipinagsasama namin ni Ruffa Gutierrez. Hindi lang sa The Buzz kami nagkakasama ng magandang aktres-TV host-beauty queen, nagkikita rin kami sa ibang okasyon, ang panahong ginugugol naming dalawa bago magsimula ang show hanggang sa matapos na ito ay katangi-tangi, may magneto sa amin ang paghagikhik ni Ruffa na kanyang-kanya lang.

Napakababaw ng tawa ng magandang babaeng ito. Konting kibot lang ay natatawa na siya, kapag aliw na aliw siya sa kuwento ay maririnig mo na ang matinis niyang hagikhik, yun ang klase ng hagikhik ni Ruffa na iilan lang siguro kaming nakakarinig.

Walang masamang tinapay sa taong ito, lahat ay kinakaibigan niya, lahat ay pantay-pantay lang sa kanyang tingin. Naabot na niya ang pangarap niyang tagumpay, literal siyang nakahiga sa salapi noon, pero tulad ng kanyang mga kapatid ay nakadikit din sa lupa ang magkabilang paa ni Ruffa.

Masarap siyang kakuwentuhan, puro juicy news ang lumalabas sa kanyang bibig, pero parang bale­wala lang sa kanya ang mga kuwentong yun. Kung si Ruffa nga ang magkokolum sa isang pahaya­gan ay siguradong maraming rebelasyon ang lalamanin nun, napakarami niyang alam na kuwento tungkol sa mga artista.

Pero alam niya kung kailan siya magsisimula at hihinto sa pagkukuwento, alam niya kung anu-ano lang ang puwede niyang sabihin at kung anu-ano rin ang para lang sa kanya, taklesa nga si Ruffa, pero hindi siya puwedeng akusahang traydor.

Kapag tinititigan namin si Ruffa ay para kaming nagbabasa ng libro tungkol sa fairy tale. Para kasing hindi totoo ang kagandahan niya, walang mali sa kanyang mukha, lalo pa siyang gumaganda kapag kilalang-kilala mo na kung sino siya.

At marunong magpahalaga si Ruffa, mabilis ang kanyang dila sa pagbibitiw ng pasasalamat, ang klase ni Ruffa Gutierrez ang artistang hindi kaiinisan ng mga manunulat kapag nagreklamo dahil una muna niyang pinahahalagahan ang pagpapasalamat.

Napakaganda na niya ay napakaganda pa ng kanyang puso.

Bibihira ang ganung kumbinasyon.

Sa totoo lang.







JoKer DeTor
Showbiz Top i-News

Please send your comments, suggestions, and reaction to our email address...

sti_n23@yahoo.com

Please dont forget to put a comment on each article. Thanks!

Your thoughts are important to us. So be it!

No comments: