Ano ang mas pinapanood ninyo?

Thursday, August 14, 2008

Governor Vilma Santos meets the entertainment press for updates and issues

Governor Vilma Santos meets the entertainment press for updates and issues

Governor Vilma Santos meets the entertainment press for updates and issues
Pinalad ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na madalaw si Governor Vilma Santos-Recto sa kanyang pansamantalang opisina sa Mansion House sa tabi lamang ng Provincial Capitol ng lalawigan ng Batangas. Under renovation kasi ang malaking bahagi ng panlalawigang gusali kaya't pansamantalang nagtatrabaho ang gobernadora sa Mansion House.

Kasama ang ilan pang entertainment press, umaatikabong kumustahan at pagbibigay updates ang naganap noong nakaraang Lunes ng hapon, August 11, sa nasabing opisina. Nakatakda talaga ang nasabing schedule na panayam dahil kagaya ng mga inabutan naming mga constituents ng Governor Vi, ay mayroon kaming takdang oras para siya'y makakuwentuhan.

"We try to do this kahit once a year lang, di ba, kahit noon pa sa Lipa? Sa dami kasi ng trabaho at kailangang umpisahan at tapusin dito sa probinsiya, ako na ang nagre-request na kayo naman ang dumalaw dito para kahit papaano, ma-experience ninyo at makita ang mga pagbabago dito," panimulang pagbati ni Ate Vi sa amin.

True enough, sa dami ng mga naibahaging impormasyon, reaksiyon, at mga plano ng Star For All Seasons, talagang nalito na kami kung alin ang uunahin.

ON POLITICS. "Dito na lang muna ako sa Batangas," sabi ni Gov. Vi. "Walang katotohanan ang mga napapabalitang may ambisyon ako para sa mas mataas na posisyon gaya ng vice president o senador sa darating na 2010. Yung sinasabi ni Bong [Revilla] na willing siyang mag-give way if ever akong tatakbo, I am simply thanking him for the nice gesture. Pero makakasiguro siyang hindi yun mangyayari.

"When I ran here in Batangas, marami akong ipinangakong gagawin via our HEARTS [Health, Education and environment, Arts, Reconstruction-roads, Tourism, and Social services] programs. Mag-iisang taon pa lang akong nakakaupo at napakalayong biyahe pa ang gagawin natin to accomplish all those things. Ngayon pa lang, halos nagsisimula ang lahat, and yet for now, masasabi kong may sistema na. Marami nang naumpisahan sa mga ito at nakikita at na-eenjoy na ito ng mga constituents ko," kuwento ng actress-politician.

Sa isyung hindi niya masawata ang jueteng sa lugar nila at diumano'y protector pa siya nito, ito ang isinagot ni Gov. Vi: "Matagal nang problema ‘yan. Matagal nang bahagi ng kasaysayan ang jueteng sa bansang ito. Hindi ko kailanman sinuportahan ‘yan at never akong naging protector niyan. Tahasan akong kontra diyan at matindi ang pagtulong at pagsuporta ko sa mga kagaya kong nagnanais mawala iyan.

"But then again, it should be a group effort. Hindi ko naman kakayaning mag-isa ‘yan mereseng ipahuli ko lahat sa mga kapulisan o awtoridad ang nagpapalaganap ng sugal na ganyan. Nang huli kong maka-meeting ang mga kaparian at mga bishop, nakiusap ako sa kanila na lagi nilang banggitin sa Homily nila na i-discourage ang mga tao na suportahan ito. Kahit sa mga schools, we encourage the teachers and the educators na ipamulat sa mga bata o nasasakupan nila ang pangit na epekto ng sugal.

"Lagi namang ganyan, e, kapag wala na silang maibatong isyu sa akin o mga kagaya ko na paglilingkod sa kapwa ang nais gawin, laging sa sugalan o jueteng ka ikakabit."

Sa ngayon ay doble daw ang effort na kailangang gawin ni Gov. Vi sa Batangas dahil sa mga developments sa political career nila ng asawa niya na si dating Senator Ralph Recto, na ngayon nga ay NEDA (National Economic Development Auhtority) Director na.

"Equally proud at masaya ako for Ralph," sabi ni Gov. Vi. "He is a good economist at naniniwala akong marami siyang magagawang kapaki-pakinabang sa bago niyang posisyon sa gobyerno. He remains and continues to be one of my solid advisers and as well as critic para sa mga programa namin dito sa lalawigan. Araw-araw pa rin naming pinagdedebatehan ang mga isyu dito at patuloy pa rin akong natututo sa kanya."

ON SON LUIS and ANGEL LOCSIN. "I'm happy for my son Lucky. Maganda rin ang takbo ng career niya sa ngayon at sigurado akong nakikita ninyong masaya rin siya, di ba? May movie project din kami as part nung supposedly three-picture contract ko with Star Cinema, pero baka next year na rin yun.

"Masaya ako sa nangyayari sa kanila ni Angel. Nagkakatulungan sila sa maraming bagay. Napupunuan nila ang pagkukulang ng isa't isa kaya ang feeling ko, nagkakasundo talaga sila. Very positive ang epekto ni Angel sa anak ko," kuwento ni Ate Vi.

Ipina-rate ng PEP sa actress-politician si Angel bilang nakilala niya at nakakasama. From one to ten na ten ang highest, "8" ang ibinigay nito. "Ireserba natin yung two points sa mga susunod na pagkakataon," sagot ng Batangas governor, na humahanga sa pagiging marespeto ni Angel sa kanilang pamilya.

Tanggap na tanggap nga ng side ni Luis si Angel. Magmula sa lola nitong si Mama Milagring Santos, ang butihing ina ni Gov. Vi, hanggang sa tita nitong si Emily, ay panay papuri ang mga binitawan nilang pahayag for the young actress.

ON HER COMEBACK FILM. "Finally ay pinayagan na rin ako ng mga constituents ko to do a movie this year kaya't tuloy na yung sa amin ni John Lloyd [Cruz] under Star Cinema. Naayos na ang script at inaayos na rin ang schedule ng New York shooting. I'm thrilled dahil mahusay na artista si John Lloyd. Bilib ako sa batang ‘yan," sabi ni Ate Vi.

Hindi mag-ina ang gagampanang papel nina Ate Vi at John Lloyd sa pelikula, pero tungkol ito sa relasyong mag-ina na sinubukan ng isang trahedya at kung paanong naapektuhan ang mga buhay nila. May bading na anak si Ate Vi sa movie at yun ang magiging karelasyon ni Lloydie, and what happens next ay ang mga drama at kakaibang tagpo na dapat daw nating abangan.

Sa New York at malamang na sa Batangas gawin ang shoot. Magsisimula na raw ito sa mga darating na buwan. "Basta this year ‘yan magaganap," paniniguro ni Ate Vi sa PEP.

By next year pa raw siguro yung sa kanila ni Sharon Cuneta. Kung si Ate Vi ang tatanungin sa klase ng film na type niyang gawin with the Megastar, sinabi nito na gusto niya yung mala-Thelma and Louise nina Susan Sarandon at Geena Davis na isang critically-acclaimed movie sa Hollywood noong ‘90s.

ON CLAUDINE & ANGEL, SHARON & GABBY, JOEY & WILLIE. Despite her very busy schedules ay updated si Governor Vi sa mga kaganapan sa showbiz at naapektuhan din daw siya ng mga balita.

Kaya naman hiningi namin ang saloobin niya sa gusot na nangyari between Claudine Barretto at Angel Locsin, dalawa sa sinasabi niyang mahal niya at itinuturing na mga anak-anakan. Si Angel ay nababalitang girlfriend ng anak niyang si Luis, samantalang si Claudine naman ay nakasama ni Ate Vi sa pelikulang Anak.

"I'm happy that finally ay na-settle na nila ang isyu," sabi niya. "Nasaktan din ako sa mga lumabas na balita on them. Pareho silang close sa akin at nakakalungkot na senaryo yung ganun. Alam kong may mga tao o grupo na gagawa ng paraan para i-patch-up sila, but still at kung kinakailangan, ako na siguro yung sa huli. Mabuti naman at naayos. The minute na pinag-uusap sila, updated ako sa mga nagaganap."

Sinabi rin ang gobernadora na natural o likas sa isang tao ang pagpapakita ng emosyon—katarayan man o masasabing kamalditahan. Kahit siya raw ay nagkaroon din ng moment noong araw kung saan ay mayroon din siyang "flying chair" na tinatawag.

Ayon kay Gov. Vi, "Lahat naman tayo ay nakaranas ng ganun sa isang bahagi ng buhay natin, lalo na't sobrang emosyonal. Kaya nga laging maganda at mabuti na alamin ang pinanggalingan at pinagmumulan ng lahat, and from there, turn everything into positive para masaya. Every individual is different."

Sa usaping pagkukumpara sa paraan nila ng pag-move on ni Sharon Cuneta on their issues with their previous husbands—si Ate Vi kay Edu Manzano dati at si Sharon kay Gabby Concepcion—sinabi nitong, "Mas mabilis lang siguro yung pagtanggap ko sa sarili ko ng mga pangyayari. Pupuwedeng kay Sharon ay iba ang epekto ng mga bagay-bagay, kaya nga sabi ko, every individual is different. Siguro ay hindi pa lang talaga panahon. Kaya nga may kanya-kanyang time ang lahat. Kung medyo natatagalan tayo kina Shawie at Gabby, darating din ‘yan. Let's pray and wait."

Masayang-masaya rin si Ate Vi sa naging gesture ni Comedy King Dolphy na pag-ayusin ang anumang gusot nina Joey de Leon at Willie Revillame, na pareho ring malapit sa actress-politician.

"Iyan naman ang bentahe ng may marunong magkusa at umintindi sa isyu. Sa showbiz kasi, ang yabang ng isa, ay puwedeng maging isang simpleng biro lang ng iba. Yung iba naman, imbes na patulan pa, ire-reverse psychology na lang nila kahit masakit, kaya again, nagiging positive ang resulta.

"Parehong malapit sa akin sina Joey at Willie. Let's give each other his due sa mga magagandang sinasabi at ginagawa naman nila. Gaya ng marami, looking forward talaga ako sa pag-uusap na gagawin nila," pagtatapos ni Gov. Vi.





JoKer DeTor
Showbiz Top i-News

Please send your comments, suggestions, and reaction to our email address...

sti_n23@yahoo.com

Please dont forget to put a comment on each article. Thanks!

Your thoughts are important to us. So be it!

No comments: