Ano ang mas pinapanood ninyo?

Wednesday, August 6, 2008

AiAi delas Alas at Pokwang ‘di magka-level

AiAi delas Alas at Pokwang ‘di magka-level


Bago pa lumaki ang sunog ay gusto na naming buhusan ng tubig ang nilulutong labanan sa pagitan nina AiAi delas Alas at Pokwang. Kumbaga sa boksing ay si AiAi ang mayhawak ng korona ngayon, pero malakas na challenger si Pokwang, kaya sila ang pinagtatapat ng marami.

Parehong magaling na komedyana sina AiAi at Pokwang, may kani-kanya silang atake sa pagpapatawa, kaya wala ka talagang itatapon sa dalawang ito.

Hawak ni AiAi ang korona bilang Comedy Concert Queen, matagal na niyang inuupuan ang kanyang trono, pero hindi masamang managinip si Pokwang na sana’y magkaroon din siya ng titulo isang araw.

Dahil pareho silang angat sa kanilang larangan ay natural na silang dalawa ang pagtapatin, meron na sanang sinasabing dumidikit noon sa husay sa pagpapatawa ni AiAi, pero inunahan ng kayabangan ang nasabing komedyana kaya naging mailap ang kapalaran sa kanya.

Kailan lang ay nagkaroon ng kuwento na nung magkita raw sina AiAi at Pokwang sa rehearsal para sa TV special ni Tito Dolphy ay hindi nagpansinan ang dalawa.

Mali ang kuwento, sabi ng aming impormante, dahil nagbatian ang dalawa, walang tensiyon sa kanilang pagitan, walang dapat pag-ugatan ang isyung may problema ang dalawang komedyana sa isa’t isa.

Pareho naming nakakasama-nakakausap sina AiAi at Pokwang, kahit paano naman siguro’y mararamdaman namin kung totoo ngang may problema sa kanilang pagitan, pero kahit kailan ay wala kaming naramdamang ganun.

Si AiAi pa, nagsasabi sa amin ang komedyana kapag meron siyang kinaaasaran at sinasabi niya sa amin kapag may nanglalaglag sa kanya, walang itinatago sa amin ang Comedy Concert Queen.

Ibang tao ang napag-uusapan namin ni AiAi kapag magkasama kami, hindi si Pokwang, dahil hindi naman ito ang nang-iwan sa kanya sa gitna ng laban kamakailan.

At kapag nakakasama naman namin si Pokwang ay hindi namin nagiging paksa si AiAi, ibang tao rin ang sentro ng aming kuwentuhan, kaya imposible ang lumulutang na kuwentong nag-isnaban ang dalawa kamakailan.

* * *

May magkaparehong katangian sina AiAi at Pokwang na kahanga-hanga. Bukod yun sa pagiging magaling nilang komedyana, bukod yun sa pagiging sikat nila, mapapalad ang mga kapamilya nina AiAi at Pokwang sa pagkakaroon ng tulad nila.

Lahat ay gagawin ng dalawang ito para sa kanilang pamilya, para sa kanilang mga anak, handa silang magpakapagod at magpakapuyat kung ang magiging kapalit naman ng kanilang pagsasakripisyo ay ang magandang kinabukasan ng kanilang mga kapamilya.

Pareho ring mahina ang kanilang puso sa pag-ibig, aminado silang pareho na matalino sila sa maraming bagay, pero sa usapin ng pakikipagre­lasyon ay natatanso sila.

At parehong mapuso sina AiAi at Pokwang. Ilang tao na ba ang naringgan namin ng kuwento tungkol sa hindi nila pangunguwenta ng pagod nila para sa isang pagtatanghal?

Pareho silang madaling kausapin sa usapin ng TF, balewala ang pera sa kanila, ang mahalaga ay ang makapagbigay sila ng kaligayahan para sa ating mga kababayan.

Kaya talagang aagusan ng suwerte ang dalawang magagaling na komedyanang ito, nababasa kasi ng Diyos ang laman ng kanilang puso, ginagawa nilang komedya ang buhay dahil yun ang kanilang trabaho pero seryoso sila sa buhay.

Marami pang ibang komedyanang ipanganganak, pero meron nang sariling marka sina AiAi at Pokwang para sa ating mga kababayan, tatak na mahirap nang mabura kahit pa magdatingan diyan ang mga personalidad na malakas humalakhak.






JoKer DeTor
Showbiz Top i-News

Please send your comments, suggestions, and reaction to our email address...

sti_n23@yahoo.com

Please dont forget to put a comment on each article. Thanks!

Your thoughts are important to us. So be it!

No comments: