Ano ang mas pinapanood ninyo?

Wednesday, July 9, 2008

Gay businessman iniwang luhaan ni Jordan Herrera

JOKER DETOR
Showbiz Top i-News

Gay businessman iniwang luhaan ni Jordan Herrera



Ang bawat isa sa atin ay may itinuturing na dakilang pag-ibig. Labas sa paksang ito ang estado sa buhay, kasarian ng mga nagmamahalan at kung ano-ano pang kunsiderasyon.

Nagkakilala ang hunk actor na ito at ang isang gay businessman nung mga panahong nanga­ngarap pa lang na magkapangalan ang aktor. Kailangan nito ng salbabidang may hangin para sa kanyang mga pangangailangan.

Tinamaan ng pana ni Kupido ang gay businessman, inalagaan niya ang hunk actor, ang mga la­yaw ng buhay na hindi nito natikman ay ibinigay niyang lahat nang walang pagdadalawang-isip.

Parang bangkong hindi natutuyuan ng laman noon ang bulsa ng gay benefactor ng hunk actor, anumang magustuhan nito ay nakukuha agad-agad, mas minahal pa nga ng gay businessman ang aktor kesa sa kanyang sarili.

Unang bigwas ng kapalaran. Nabalitaan ng gay businessman na may ibang “pinagkakaabalahang” bading ang kanyang karelasyon. Nasaksihan namin kung paano nawasak ang puso ng gay businessman, parang gusto na niyang magpakamatay, dahil tinraydor siya ng hunk actor.

Pero ang mga payo ng kanyang mga kaibigan ay nababalewala kapag kaharap na niya uli ang hunk actor, sorry lang ang katapat ng pagkawasak ng kanyang puso, silang dalawa na uli pagkatapos lang nang ilang minutong pangangako ng lalaki na hindi na yun mauulit pa.

Ikalawang dagok ng tadhana. Nag-asawa ang hunk actor. Tanggap yun ng kanyang gay benefactor, ang totoo ay siya pa nga ang nagbabayad sa ospital kapag nanganganak ang asawa ng aktor, itinuring na niyang tunay na mga anak ang mga anak ng mag-asawa.

Siya pa rin ang tumutustos sa mga pangangailangan nito, alam ng misis ng aktor kung gaano kaespesyal ang kanilang relasyon, pero pareho lang sila ng babae na wagas na nagmamahal sa hunk actor kaya pikit-mata na lang nilang tinatanggap ang sitwasyon.

Hindi lang ang asawa at mga anak ng hunk actor ang sinumpaan niyang tungkuling dapat gampanan, pati ang mismong pamilya ng aktor ay sa kanya rin nakasandal, lahat ng pangangailangan ng pamilya ay siya ang sumasagot.

Para na silang mag-asawa, hindi lang sila puwedeng magpakasal, kaya bumili sila ng lote sa probinsiyang pinagmulan ng aktor na nakalagay sa kanilang mga pangalan.

Ilang taon nang ganun ang senaryo, nasasaktan ang gay benefactor sa kaganapan, pero ganun yata talaga ang nagmamahal. Kahit ano ay kaya niyang tiisin, kahit sino ay kaya niyang banggain, maging maligaya lang ang kanyang puso.

* * *

Ngayon ay iyak nang iyak ang gay benefactor ng hunk actor. Humahagulgol siya. Kung nakamamatay lang ang pag-iyak ay inilibing na siguro namin kahapon ang gay businessman.

Nung Linggo nang gabi ay umalis na ang hunk actor at ang kanyang asawa at mga anak papuntang Amerika. Immigrant ang babae at ang mga bata, yun ang dokumentong hawak ng mag-iina, pero ang hunk actor ay turista lang.

Masakit na masakit ang loob ng gay benefactor dahil hindi man lang idinaan-ipinakita sa kanya ng aktor ang mga anak nito, kulang na lang na magmula sa kanyang sinapupunan ang mga bata, kaya nami-miss na niya ang mga bata ngayon pa lang.

Sobrang minahal ng gay benefactor ang mga anak ng hunk actor, malapit na malapit din sa kanya ang loob ng mga bata, iniyakan ng gay businessman ang hindi nila pagkikita-kita bago umalis ang mga ito.

Ang matinding lungkot ay nadagdagan pa ng sakit nang malaman ng gay businessman na ang umayos pala ng mga papeles ng hunk actor para makaalis ay isang bading din.

Kilala niya kung sino ang bading, ito ang balitang “pinagkakaabalahan” ngayon ng aktor, ilang beses nang nauuntog-nasasaktan ang kanyang puso pero patuloy pa rin siyang nagmamahal.

Kaya pa rin niyang mabuhay, pero kung minsan ay parang gusto na niyang mamatay, iyak siya nang iyak ngayon pero isang araw ay mauubos din naman ang kanyang luha.

Ang gay businessman na benefactor ng isang hunk actor na wasak na wasak ang puso ngayon ay itago na lang natin sa pangalang Jojit de Nero. Ang hunk actor naman sa kuwentong ito ay walang iba kundi ang kanyang dakilang pag-ibig na si Jordan Herrera.

CRISTY FERMIN
Pilipino Star Ngayon

No comments: